ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Presyo ng sigarilyo sa bangketa, agad tumaas dahil sa sin tax law


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tinaasan na ng mga nagtitinda sa bangketa ang presyo ng bawat stick ng sigarilyo noong Martes, Jan. 1, ang unag araw sa pagpatutupad ng kontrobersyal na sin tax reform law. Nangyari ang pagtaas ng presyo bago pa man dumating sa pamilihan ang unang batch ng tobacco products na pinatawan ng mas mataas na buwis.   Mga ilang oras bago pumatak ang Bagong Taon, tinaasan na ng mga nagtitinda mula 16.66 porsyento hanggang 33.33 porsyento ang bawat stick ng sigarilyo na kanilang itinitinda. Napag-alaman sa isang impormal na pagnanaliksik ng GMA News Online na tinaasan ng 50 sentimos hanggang piso ang bawat stick ng sigarilyo ng ilang sidewalk vendors sa Quezon City, dahil umano nagtaas na ng presyo ang kanilang suplay.   “Itinaas ko na yung presyo, dati yung isang piraso ng Marlboro Lights at Philip Morris binebenta ko ng P3. Ngayong araw nasa P3.50 na. Yung ibang brand nasa P4 na bawat isa ang benta ko mula P3,” ayon kay Pio Manidillo, nagtitinda ng sigarilyo at kendi sa gilid ng MRT station malapit sa panulukan ng Timog Ave. at EDSA. “Mas mahal na kasi ang kuha ko ng bawat pack, yung iba tumaas ng hanggang P10,” dagdag pa niya, at sinabing nagtaas umano ng presyo ang kanyang supplier dahil sa "sin tax."   Samantala, hindi pa nagtaas ng presyo ang ilang popular na convenience stores sa EDSA, pero ayon sa isang sales clerk na ayaw magpabanggit ng pangalan, naubusan sila ng stocks dahil pinakyaw ng ilang customers ang ilang brand ng sigarilyo para 'di maabutan ng pagtaas ng presyo nito.   Pinatawan noong Martes ng mas mataas na buwis ng Bureau of Internal Revenue ang mga produktong alak at sigarilyo, matapos lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Republic Act No. 1035, o ang Sin Tax Reform Law noong Dec. 20.   “New taxes have been slapped on sin products leaving the factory or are imported at past midnight of January 1,” ayon kay BIR Commissioner Kim Jacinto-Henares sa panayam sa GMA News Online. Tumaas agad   Ayon kay Henares, hindi pa naman agad-agad na tataas ang retail prices dahil: (1) ang mga produkto ng tabako na tinaasan ng buwis as paparating pa lamang sa mga pamilihan, at (2) hindi naman kaagad-agad na ipapasa ng producers  ang tax burden sa mga consumer.   “The tax rate goes up, but it doesn't necessarily mean that retail prices would go up immediately,” aniya.   “It's the business decision of manufacturers or importers whether they increase their prices immediately or introduce slight increases,” dagdag  pa niya.   Sinubukan ng GMA News Online na kapanayamin ang mga representante ng dalawang nangungunang cigarette producers sa bansa – ang British American Tobacco (Phils.) Ltd. at Philip Morris Fortune Tobacco Corp. Inc. – kung ano ang sistema ng kanilang pagtataas ng presyo, biglaan ba o paunti-unti. Ngunit wala pang sumasagot sa mga tawag ng GMA News Online.   Nang tanungin tungkol sa maagang pagtaas ng presyo ng sigarilyo, sinabi ni Henares na: “It's the retailers windfall income. Wala namang problema doon if they hike prices of their old stocks. Again, as with producers it's their business decision, and they do take a risk."   “Excise taxes on old stocks did not rise. But if their prices are increased then retailers would have to pay higher income tax, wouldn't they?” dagdag pa niya. Sa ilalim ng Sin Tax Reform Law, ang mga sigarilyo na nagkakahalaga ng P11.50 kada pakete ay papatawan ng buwis na P12. Samantala, yung mas mataas sa P11.50 kada pakete ay papatawan P25.   Patuloy sa pagtaas ang buwis bawat pakete hanggang taong 2017, at sa pagsapit ng taong ito, ang isang pakete ng sigarilyo ay pantay-pantay na magkakaroon ng P30 na buwis. Pagkatapos ng 2017, tataas ng 4 porsyento bawat taon ang buwis ng kada pakete .   Sa ngayon, ang isang kahang Marlboro Lights ay may excise tax na P25, tumaas ito mula sa P11.43. Samantala, ang Fortune ngayon ay may pataw na P12 na tax, tumaas mula sa dating rate na P2.47 kada pakete.   Buwis para sa kalusugan   Ayon kay Henares, ang Sin Tax Reform Law ay isa ring "health measure" dahil mababawasan nito ang paninigarilyo. “We are targeting to curb smoking among the poor and the young. If we are able to achieve that, then we're okay,” aniya. Samantala, gomagastos pa rin ang pamahalaan ng bliyun-bilyong piso para sa paggamot ng mga sakit na dala ng paninigarilyo.   Inaasahan na sa unang taon, makapagpapasok ng P33.96 bilyon sa kaban ng bayan ang sin tax law. — LBG, GMA News