Pambatong gobernador ng LP sa Pangasinan, kinasuhan ng plunder sa Ombudsman
Sinampahan ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman nitong Biyernes si Alaminos City, Pangasinan mayor Hernani Braganza, kasapi ng Liberal Party (LP) at tatakbong gobernador ng lalawigan sa darating na May elections. Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon, ang seven counts of plunder laban kay Braganza ay isinampa ng 11 barangay captain at apat na dating kapitan ng barangay sa Alaminos. Nakasaad sa reklamo na marami pa umanong hindi natatapos na proyekto si Braganza sa lungsod kahit napondohan na ang mga ito. Inakusahan din nila ang alkalde na mayroon mga ghost project. Batay rin umano sa report ng Commission on Audit (COA), mayroong unliquidated cash advances si Branganza na aabot sa P38 milyon magmula noong 2004 hanggang 2011. Idinagdag sa ulat na tumayong legal counsel umano ng mga nagrereklamong kapitan ang abogado ni Pangasinan governor Amando Espino Jr. Si Braganza ang tumulong noon kay Bugallon Mayor Rodrigo Orduña para isiwalat ang umano'y pagkakasangkot ni Espino sa jueteng sa lalawigan, na itinanggi naman ng gobernador. (Basahin: Pangasinan gov, inakusahan ng isang alkalde na sangkot sa jueteng) Makakalaban ni Braganza sa governatorial race si Espino na pambato naman ng Nationalist Peoples Coalition (NPC). Pero iginiit ng mga kapitan ng barangay na walang kinalaman sa isinampa nilang reklamo kay Braganza ang pulitika. Mayroong kabuuang 39 na barangay sa Alaminos. Tumanggi na munang magsalita ang kampo ni Braganza sa isyu dahil pag-aaralan daw muna nila ang reklamo. -- FRJ, GMA News