ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kasambahay bill, nirerepaso pa ng Malacañang -- Valte


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ng isang opisyal sa Malacañang na nasa kanila na ang “enrolled copy" ng Kasambahay Bill at kasalukuyang itong nirerepaso bago pirmahan ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III upang ganap na maging batas. Sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na, “...we already received it. It is with the Office of the Deputy Executive Secretary for normal review. Then it will be given to the President." Gayunman, wala pa umanong petsa kung kailan ito pipirmahan ng pangulo. Ang “enrolled copy" ay kopya ng panukalang batas na pirmado na ng lider ng Kamara de Representantes at Senado, at tanging pirma na lamang ng pangulo ang kailangan para ganap na maging batas. Una rito, inihayag nina Speaker Feliciano Belmonte Jr. at House Majority leader Rep. Neptali Gonzales II, na naipadala na nila sa Palasyo ang kopya ng panukalang batas. Ginawa ng dalawang mambabatas ang paglilinaw matapos sabihin ni Aquino na hindi pa niya natatanggap ang nasabing panukala na hinihintay ng may dalawang milyong kasambahay sa bansa. Basahin: (Lider ng Kamara, iginiit na nasa Palasyo na ang kopya ng Kasambahay Bill) Nakapaloob sa Kasambahay bill ang pagtatakda ng sahod at mga benepisyo na dapat tanggapin ng mga kasambahay. Niratipikahan ng Senado at Kamara de Representantes ang batas noong nakaraang Disyembre. Sa ilalim nito, hindi dapat bababa sa P2,500 ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila. Samantala, hindi naman bababa sa P2,000 ang dapat tanggapin ng mga kasambahay sa chartered cities at first class municipalities; at P1,500 sa iba pang munisipalidad. Dapat ding bigyan ng mga social benefit ang mga kasambahay tulad ng Social Security System, Philhealth, at Pag-Ibig Fund. Bukod pa rito ang 13th month pay at limang araw na leave with pay sa loob ng isang taon. Bawal ding kuning kasambahay ang mga nasa eded 15 pababa. - FRJ, GMA News