ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lalaking nagpakilalang taga-media, inireklamo ng panggugulo sa kapitolyo ng Iloilo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dinakip at ikinulong ng mga pulis ang isang lalaki na nagpakilalang mamamahayag at nanggulo umano matapos hindi payagan na makapanghingi ng pera sa kapitolyo ng Iloilo. Sa ulat ni Julius Belacaol ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing bukod sa pagpapakilalang taga-media, iginiit ng dinakip na suspek na si Cherito Inserto, na kinatawan siya ng isang organisasyon na tumutulong sa mga taong may kapansanan. Nagsimula raw magwala si Inserto nang hindi siya payagang ng mga kawani sa kapitolyo na mag-solicit ng pera. Dahil sa pagwawala ng suspek, napilitan ang mga kawani na humingi ng tulong sa mga pulis. Nakuha sa suspek ang isang media ID na may logo ng iba't ibang ahensiya ng gobyerno. Pero paliwanag ng suspek, ang mga pera na nakokolekta niya ay para sa grupong sumusuporta sa mga taong may kapansanan. Konetkado umano siya sa National Council for the Welfare of Disabled Person ng DSWD. Ngunit wala raw naipakitang legal na papel si Inserto na magpapatunay sa kanyang mga sinasabi tungkol sa grupo. Bukod dito, sinabi ng pulisya na hindi rin ito konektado sa anumang media organization. Nahaharap si Inserto sa kasong swindling at alarm and scandal. - FRJ, GMA News