ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, binati ni Arroyo sa paglago ng ekonomiya; kaisa rin umano sa paglaban sa katiwalian


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinuri maging ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang naitalang 6.6 percent growth ng administrasyon ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III nitong 2012. Sa pahayag na ipinalabas ng tagapagsalita ni Arroyo na si Len Bautista-Horn nitong Biyernes, inihayag din ng dating lider na kaisa ito ni Aquino sa pakikibaka sa katiwalian. “Going beyond the anti-corruption campaign, President Aquino is to be commended for the latest GDP (gross domestic product) growth rate. It is welcome news. He is on track restoring the growth of 7.9% where it was before the first half of 2010. She (Mrs. Arroyo) will support his policies that will translate such policies to poverty alleviation," nakasaad sa pahayag na ipinalabas nitong Biyernes. Nitong Huwebes, ipinagmalaki ng pamahalaang Aquino na nalampasan nito ang target growth rate na 5 hanggang 6 percent sa 2012. Ang mga isinusulong na reporma sa paglaban sa katiwalian ang isa umano sa mga dahilan ng pagbabalik kumpiyansa ng mga dayuhang namumuhunan sa bansa. Pero ayon sa pahayag ni Arroyo, kasabay ng pagsusulong ng kampanya kontra katiwalian, dapat umanong bigyan ng kalayaan ang mga kinauukulang ahensiya sa pagtupad sa kanilang tungkulin gaya ng hudikatura. “President Gloria Macapagal-Arroyo shares the commitment of President Benigno Aquino III to integrity and opposition to corruption. But the campaign against corruption must uphold the rule of law, due process and the independence of the judiciary," ayon sa pahayag na ipinalabas ni Horn. Kabilang umano sa kontribusyon ng administrasyong Arroyo sa paglaban sa katiwalian ay ang pagpasa sa ilang batas gaya ng Government Procurement Reform Act of 2003, Attrition Act of 2005, Anti-Red Tape Act of 2007 at Prosecution Service Act of 2010. Si Arroyo ay kasalukuyang naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) at nahaharap sa mga kasong katiwalian at electoral sabotage. - RP/FRJ, GMA News