ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mag-iinang inatake ng bubuyog, patuloy na nagpapagaling


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagpapagaling sa ospital ang mag-iinang inatake ng mga bubuyog sa Davao City, habang nakaburol na sa kanilang tahanan ang nasawing padre-de-familia. Sa ulat ni Shiela Vergara ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing isang beterinaryo ang sumuri sa mag-anak na Barro na inatake ng mga bubuyog sa labas ng kanilang bahay sa barangay Lasang. Sa mga naunang imbestigasyon, sinasabing nalaglag ang bahagi ng bee hive o pulot-pukyutan ng mga bubuyog na pinaniniwalaang dulot ng malakas na hangin. Dahil dito, nabulabog ang mga bubuyog ay inatake ang pamilya Barro na naninirahan malapit sa puno kung saan nandoon ng pukyutan. Ayon kay Dr. Roberto Puentespina, karaniwang reaksiyon ng mga bubuyog na umatake kapag nabulabog at nagkataon na nsa labas ng kanilang bahay ang pamilya Barro kaya sila ang sinalakay. Nasawi sa naturang insidente si Artemio Baro Sr., 53-anyos, habang nagpapagaling naman sa ospital ang kanyang misis at dalawa nilang anak. Hindi naman tuwirang masabi ni Puestespina kung mapapaalis ang mga bubuyog sa lugar gaya ng hiling ng mga residente sa lugar. Payo na lamang niya, lumayo sa mga bubuyog pero maaaring itaboy ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapausok o pag-spray ng kemikal. Sa hiwalay na ulat naman sa Balitanghali, sinabi ng mga dalubhasa na mas mataas ang peligro na mapahamak ng mga taong may allergy kapag nakagat o na-sting ng bubuyog. - FRJ, GMA News