ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hirap na dinanas sa hazing, ikinuwento ng 16-anyos na binatilyo sa Pangasinan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dahil sa pananakit ng katawan, napilitan ang isang 16-anyos na high school student sa Urdaneta City, Pangasinan na aminin sa kanyang ama ang hirap na dinanas sa isinagawang initiation ng sinalihang fraternity. Sa ulat ni Alfie Tulagan ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabi ng binatilyo na itinago sa pangalang Jay-R, na napilitan siyang sumali sa fraternity dahil pinagbantaan ang kanyang buhay. Kwento ng biktima, isang kapwa mag-aaral sa Camantiles National High School ang nanghikayat sa kanya na sumali sa fraternity. Sinubukan umano niyang tumanggi pero tinakot siyang bubugbugin at pinagbantaan ang buhay kaya napilitan na siyang sumali. Mula sa paaralan, piniringan umano at dinala si Jay-R sa kalapit na bayan sa Manaoag kung saan isinailalim na siyang sa hazing. Ayon sa biktima, nakatikim siya ng mga sampal at hambalos sa katawan mula sa tinatayang 20 miyembro ng fraternity. Makikita sa likurang bahagi ng hita ni Jay-R ang sariwa pang mga pasa na kinumpirma naman sa isinagawang pagsusuri ng medico-legal. Nagkaroon din umano ng trauma ang biktima kaya ayaw na nitong pumasok sa eskwelahan. Kaugnay nito, nagbabala naman ang Department of Education na mananagot ang pamunuan ng paaaralan kapag napatunayan na nabuo ang fraternity sa loob mismo ng eskwelahan. Bagaman tumanggi na humarap sa camera, iginiit ng principal ng paaralan na walang frat sa kanilang paaralan at sa kabilang bayan nangyari ang sinasabing hazing. - FRJ, GMA News