ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 lalaki sa Davao City, patay sa impeksiyon na dulot ng ihi ng daga


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umakyat na sa apat katao ang nasawi sa Davao City bunga ng leptospirosis, o impeksiyon na dulot ng ihi ng daga na humalo sa tubig baha. Sa ulat ni Marlon Palma-Gil ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, kinilala ang mga pinakahuling biktima ng leptospirosis na sina Edwin Tolentino at Gerry Digap, kapwa residente ng barangay 2-A sa Davao City. Sinabing lumusong sa baha ang dalawang biktima kahit may sugat sa paa ilang linggo na ang nakalilipas. Ayon sa kaanak ni Tolentino, maghapon na nakababad sa baha ang biktima nang panahon na bumuhos ang malakas na ulan sa lungsod para tumulong sa paglilikas ng mga gamit. Ganito rin umano ang ginawa ni Digap na bukod sa may sugat sa paa ay nakagat pa mismo ng daga. Makalipas ng ilang araw, nilagnat na ang mga biktima at natuklasan na mayroon silang liptospirosis nang dalhin sa ospital. Mula Enero hanggang Pebrero 7, umabot na sa 28 ang kaso ng leptospirosis sa Davao City, apat sa mga ito ang namatay. Ilan sa mga sintomas ng sakit na dulot ng leptospirosis ay lagnat, pamumula ng mata, pananakit ng binti, kalamnan, kasukasuan, at ulo. Muling nagpaalala naman ang mga awtoridad na iwasan ang paglusong sa baha lalo na kung may sugat na mabababad sa tubig. Kung hindi maiiwasan, makabubuting magsuot umano ng proteksiyon tulad ng bota. -- FRJ, GMA News