ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dating kongresista ng Biliran, pumanaw na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pumanaw nitong Miyerkules sa St. Luke’s Hospital sa Quezon City ang dating mamamahayag at dating kongresista ng Biliran na si Gerardo "Gerry" Espina Sr. Siya ay 77 taong gulang. Kinumpirma nitong Huwebes nina Biliran Rep. Rogelio Espina at kapatid niyang si Biliran Governor Gerardo “Gerryboy" Espina Jr., ang pagpanaw ng kanilang ama dahil sa pneumonia. Noong nakaraang Oktubre, nagbitiw ang nakatatandang Espina sa kanyang puwesto bilang alkalde ng munisipalidad ng Kawayan sa Biliran dahil sa problema ng kanyang kalusugan. Sa isang pahayag, ipinaabot ni Speaker Feliciano Belmonte, Jr., ang pakikiramay sa mga naulila ni Espina na tinawag niyang, "a dear friend and colleague. He was a scholar, outstanding legislator, a learned professor, a gifted writer… and singer." "My family and I extend our sympathy and prayers to his family, especially his son and our colleague, Rep. Rogelio J. Espina," ayon sa lider ng mga kongresista. Si Espina ay naging kongresista sa 10th, 11th at 12th Congress, at minsan ding nagsilbi bilang Deputy Speaker sa Kamara de Representantes. Sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., itinalaga si Espina na Deputy Minister of Trade and Industry at Minister of State for Labor mula 1981 hanggang 1984. Noong 1971, nahalal si Espina na deligado ng Manila sa Constitutional Convention (ConCon), at naging Assemblyman noong 1978. Bago nito, naging miyembro siya ng media kung saan nagsusulat siya sa pahayagan at may programa rin sa radyo at telebisyon. Nang maging lalawigan ang Biliran matapos maihiwalay sa Leyte, bumalik na si Espina sa kanyang bayang sinilingan noong 1994 at doon unang nagsilbi bilang konsehal. - RP/FRJ, GMA News