3 na minero patay, 7 iba pa nawawala sa pagguho ng minahan sa Semirara
Tatlong mga minero ang kumpirmadong patay, tatlo ang nailigtas at pito pa ang nawawala matapos gumuho ang minahan sa Semirara sa bayan ng Caluya sa probinsya ng Antique noong Miyerkues ng gabi. Ito'y kinumpirma ni resident manager George San Pedro ng Semirara Mining Corporation sa isang pahayag nitong Huwebes. Ayon din sa kanyang pahayag, gumuho dakong 11:55 ng gabi ng Miyerkules ang isang seksyon ng kanlurang bahagi ng Panian pit ng minahan. Itinigil na rin umano ng kumpanya ang operasyon habang iniimbestigahan pa ang sanhi ng aksidente. Sinabi rin ni San Pedro na magbibigay ng "full support" ang kumpanya sa mga pamilya ng mga apektadong manggagawa. Nauna nang inihayag ni Western Visayas police head Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr. na patuloy pa rin ang search-and-rescue operations para sa mga na-trap na mga minero. "Dito sa Region 6, medyo nag-uulan nang bahagya tuwing hapon hanggang gabi ... nagkaroon ng landslide sa open pit ng Semirara Mining," ani Cruz sa panayam sa dzBB. Ayon sa kanya, nailigtas na ang tatlong nasugatang minero at isa sa mga ito ay inilipad papuntang Maynila para ipagamot; ang dalawa naman ay nagtamo lamang ng minor injuries. Samantala, sinabi ni Caluya vice mayor Diosdado Egina sa "Balitanghali" na nagsasagawa na ang mga tauhan ng Semirara Mining Corporation, kasama ng mga lokal na pulis, ng search and retrieval operations. Dagdag ni Egina, magsasagawa rin ng imbestigasyon sa insidente ang ilang mga ahensya tulad ng Department of Labor and Employment, ang opisina ng gobernador ng Antique, at ang Antique Provincial Disaster Risk Reduction Management Council. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News