ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Karambola ng 4 na trak sa Bulacan: 3 katao, patay, 1 pa, sugatan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tatlo katao ang nasawi, habang malubhang nasugatan ang isa pa matapos magsalpukan sa Norzagaray, Bulacan ang apat na trak nitong Miyerkules ng madaling araw. Kinilala ang mga nasawi na sina Christian Legazpi, Assi Solis, at Rio Delos Santos, samantalang hindi pa nakikilala ang isang pahinante na isinugod sa pagamutan. Ayon kay Superintendent Roginal Francisco, hepe ng Norzagaray police, dakong 2:00 a.m. nang maganap ang karambola ng mga trak sa Barangay Matictic, Norzagaray na malapit sa isang pabrika ng semento. Lumitaw sa paunang imbestigasyon na minamaneho ni Legazpi ang isang dump truck na may plakang RLV-360, at tinangka nitong lampasan ang sinusundang trailer tractor na minamaneho ni Rafael Quijano. Sa paglipat ni Legazpi ng linya ng kalsada, nakabanggaan nito ang kasalubong na cement bulk carrier na minamaneho naman ni Delos Santos. Sa naturang salpukan, tinamaan din ng trak ni Delos Santos ang isang cargo truck na na minamaneho naman ni Manuel Rivera. Kaagad na nasawi sa pinangyarihan ng aksidente ang tatlong biktima. Nahagip din sa aksidente ang bahay ni Rolando Balaruan pero masuwerteng walang nasaktan. Matagal na umanong inirereklamo ang mabilis na pagpapatakbo ng mga truck driver sa naturang kalsada. -- RRamos/FRJ, GMA News