Fashion designer, dating pulis, huli sa magkahiwalay na operasyon sa illegal drugs
Isang fashion designer sa Cebu City ang dinakip ng mga pulis sa isang buy-bust operation dahil sa pagtitinda umano ng ecstasy. Samantala, nadakip din sa hiwalay na operasyon ang isang dating pulis dahil naman sa pagtutulak umano ng shabu. Dinakip sa loob mismo ng boutique sa barangay Lahug si Ivan Belocura, makaraang bentahan umano nito ng isang kapsula ng ecstasy na nagkakahalaga ng P1,500 ang pinagpanggap na buyer ng Regional Anti-Illegal Drugs Special Operating Team. Bukod kay Belocura, dinakip din ang tatlong kaibigan nito matapos na makuhanan umano ng mga maliliit na pakete na may powder blue substance na pinaniniwalaang ecstasy. Ayon kay P/Insp. Hendrix Bancoleta, team leader ng mga operatiba, nakatanggap sila ng impormasyon na nagsu-suplay ng ecstasy si Belocura sa mga bars sa Metro Cebu. Target naman ngayon ng mga operatiba ang pinagkukunan ni Belocura ng nasabing iligal na droga. Samantala, naaresto naman sa hiwalay na buy-bust operation na isinagawa malapit sa Ramos public market ang dating pulis na si Junicar Estiñoso at ang kasama nitong si Norcia Daligdig. Ayon sa pulisya, dalawang linggo nilang minanmanan si Estiñoso. Nakuha sa kanya ang tatlong pakete na may laman na pinaniniwalaang shabu, at P500 na marked money. Itinanggi naman ni Estiñoso ang paratang sa kanya. – Nikko Sereno/Lou-Anne Mae Rondina/FRJ, GMA News