1-buwang gulang na sanggol, pinaniniwalaang namatay sa suntok ng sariling ama
Labis ang pagdadalamhati ng isang ina matapos mamatay ang kanyang bagong silang na anak na pinaniniwalaan niyang dulot ng panununtok sa kanila ng kanyang lasing na mister sa Roxas City. Kwento ni Joyce Osorio, pinapasuso niya ang kanyang isang-buwang-gulang na anak nang dumating ang kanyang asawa na si Gerry Osorio na umano'y lasing. Unang sinaktan daw ng mister ang kanilang dalawang-taong-gulang na anak na umiiyak dahil humihingi rin ng gatas. Hawak ang pinapasusong sanggol, inawat umano ni Joyce ang kanyang mister pero siya naman ang pinagbalingan nito at pinagsusuntok, hanggang sa tamaan din (ng suntok) ang bitbit na anak na pumalahaw ng iyak. Nang makitang dumugo ang ilong ng sanggol, isinugod nila ito sa ospital ng lungsod pero dahil maselan ang lagay ng bata ay ipinalipat ito sa provincial hospital pero hindi na umabot ng buhay. Isasailalim sa otopsiya ang sanggol para malaman ang dahilan ng pagkamatay nito. Pinaghahahanap naman ng mga pulisya ang mister na tumakas matapos ang insidente. -- Cris Yu/FRJ, GMA News