Dalagita sa Bataan, natagpuang patay; kinakasama ng suspek, pinaslang din
Nabulabog ng magkasunod na karumal-dumal na krimen ang tahimik na barangay sa Limay, Bataan matapos matagpuan ang bangkay ng isang dalagita noong Linggo. At sa sumunod na araw, pinatay naman ang kinakasamang babae ng lalaking suspek sa pagpatay sa batang biktima. Matapos mawala ng tatlong araw, natagpuang walang buhay si Arlene Daulat, 12-anyos, sa Brgy. St. Francis I sa Limay. Pinapaniwalaang pinalo ng matigas na bagay sa ulo ang biktima na sanhi ng pagkamatay nito. Nakatali rin ang kanyang mga kamay nang matagpuan noong Linggo at may palatandaan na pinagsamantalahan siya. “Nakagapos siya, nakasubosob sa banig. Sinabi ng duktora na may posibilidad na ginahasa dahil may sugat sa ari. Sa autopsy, nakita na may sugat siya ng palo sa ulo,” ayon kay Allan, ama ng bata. Nakita ang mga labi ni Arlene na 300 metro lang ang layo sa kanilang bahay. “Sa tulong ng mga bangaw na parang itinuro ang lugar, natagpuan sa buhu-an malapit sa ilog ang aking pamangkin na nakadapa sa banig,” pahayag naman ng tiyuhin ng biktima na si Sonny. Dahil sa krimen, inimbitahan ng pulisya para magpaliwanag si Wilfredo Remetio, 51-anyos, caretaker sa boho farm kung saan nakita ang dalagita. Ikalawang krimen Ngunit nitong Lunes bago magtanghali, nakita namang patay at may mga saksak sa katawan sa loob ng kanilang bahay sa Brgy St. Francis I, si Lilibeth Salas, 42, kinakasama ni Remetio. Ayon kay Nestor Nabaunog, barangay kapitan ng St. Francis II, matagal nang naglilingkod sa kanyang pamilya si Lilibeth bilang labandera. Nitong Lunes dakong 8:30 a.m., lumapit umano sa kanya ang babae upang humingi ng tulong na huwag hayaang makulong si Remetio dahil wala umano itong kasalanan sa pagpatay kay Arlene. “Nagpaalam din sa akin na kukuha ng damit sa hulo sa kanilang bahay. Ngunit sinabihan kong huwag pumunta dahil baka mapagbalingan,” ayon sa kapitan. Ngunit dakong 10:00 a.m. ay nabalitaan niya na nakitang patay na si Salas sa loob ng kanilang bahay. Ayon naman kay Erlinda Estroso, ina ni Salas, umuwi sa kanilang bahay sa St. Francis II nitong Linggo ng gabi ang kanyang anak kasama ang tatlong maliliit na apo at doon natulog. Kinaumagahan ay nagpumilit umano si Salas na babalik sa kanilang bahay sa Francis I para kumuha ng mga damit. “Ang sabi ko huwag na munang pumunta sa kanilang bahay dahil sila ang suspek sa pagpatay sa bata. Pinipigilan ko dahil baka mapag-initan,” ayon kay Gng Estroso. Nilinaw naman nina Nabaunog at Estroso na wala silang tinutukoy na suspek sa pagpatay kay Salas at ipinauubaya nila sa pulisya ang paglutas sa krimen. -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News