Iskedyul ng biyahe ng LRT1, 2 at MRT3 sa Semana Santa
Hanggang alas-8 ng gabi lamang umano sa Miyerkules Santo (Marso 27) ang huling biyahe ng mga tren ng LRT1, 2 at MRT3, at wala nang biyahe mula Huwebes Santo hanggang Pasko ng Pagkabuhay sa Linggo (Marso 31), ayon sa Light Rail Transit Authority noong Martes. Ayon kay LRTA spokesman Hernando Cabrera sa kanyang Twitter account, "Sarado po ang LRT 1 and 2 sa darating na 28 March hanggang 31 March 2013. Last trains mula sa lahat ng end stations sa 27 March 2013 ay 8:00 p.m. Nakalagay din sa isang post ng LRTA website na ang last commercial trip ng LRT1 mula Baclaran at Roosevelt stations ay aalis alas-8 ng gabi. Ganun din umano ang oras ang last trips ng mga tren ng LRT2 mula Santolan at C.M. Recto Avenue stations. Nauna nang sinabi ni Cabrera na gugugulin ng LRTA ang Holy Week break para sa maintenance ng mga tren at mga pasilidad nito. "Normal operations/revenue service will resume on Monday, April 1, 2013," dagdag pa ni Cabrera. — LBG, GMA News