ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Investment grade ng Pilipinas, mararamdaman nga kaya ni Juan dela Cruz?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Matapos masungkit ng Pilipinas ang inaasam-asam na investment grade mula sa Fitch Ratings nitong Miyerkules, tanong ng bawat Juan, paano kaya ito mararamdaman ng ordinaryong mamamayan? Ito ang unang pagkakataon na nabigan ng antas na “investment grade” ang bansa ng Fitch Ratings – ang ahensyang tumutukoy sa mga bansa o institusyon na maaaring lagakan ng investments. Bukod sa mga inaaasahang investor na mamumuhunan sa bansa, inaasahan umano ng Palasyo na magdulot ng mas maraming trabaho ang naturang upgrade. “More companies in the real economy can now consider us an investment destination… This in turn enables industries to expand and generate more jobs for our countrymen," ayon sa Palasyo sa isang pahayag noong Miyerkules. Ngunit, sa panayam ng GMA News Online sa iba’t ibang mukha ni Juan, tila hati ang mga ito sa magiging dulot ng investment upgrade sa kani-kanilang kabuhayan. Para nga lang ba sa mayayaman? "Para lang 'yan sa mga namumuhunan lang pagka nag-invest sila... Binibigyan ng gobyerno ang pabor sa mga investors," ani Lito Estorninos, isang tricycle driver sa loob ng 30 taon sa Quezon City. "Sila [malalaking kumpanya] siguro [ang makikinabang]," pahayag naman ni Elias Rambuyong, may-ari ng isang vulcanizing shop. "Pero mga ordinaryong tao, hindi. Marami pa ring mahihirap, eh." Tulad nina Estorninos at Rambuyong, naniniwala ang isang 69-anyos na may-ari ng sari-sari store (na ayaw ilathala ang kanyang pangalan) na mayayaman lamang ang makikinabang mula sa nasabing upgrade. "Sila kasi ang may businesses eh. Tayong maliliit, ano ang mapapala? 'Pag as an employee, wala. Tayong mga ordinaryo, wala, hanggang survival lang. Hindi tayo pwede umangat," aniya. Sinang-ayunan naman ito ng militanteng grupo na Bagong Alyansang Makabayan o Bayan. "The upgrade seems meaningless to the poor. The type of investments it may attract may not necessarily create jobs, especially if these are portfolio investments," ani Renato Reyes, Bayan secretary general, sa isang pahayag sa GMA News Online. “[The] credit rating looks good only on paper. But without new jobs, the ratings upgrade will remain a hollow indicator not felt by the majority," dagdag nito. Regular o contractual na trabaho? Kung sakali man daw na makapagdulot ng mas maraming trabaho ang nasabing investment grade rating sa Pilipinas, hindi rin naman daw ito kasiguraduhan upang makakuha ng isang maaayos na trabaho. "Pagka mag-umpisa na silang magbigay ng trabaho, mababa naman ang rate. Minsan babawiin sa oras, sampung oras pero minimum pa rin ang sahod," paliwanag ni Estorninos na kumikita ng P200 kada araw bilang tricycle driver. Dagdag pa ng sari-sari store owner, kadalasan ay contractual na trabaho lamang ang nakukuha ng mga tao. "'After six months, tanggal ka na.” At dahil nga hindi regular na trabaho ang nakukuha ng ilan, daing ni Estorninos, ang mga kumpanya lang din ang nakatitipid at nakikinabang sa sana’y sweldo ng mga regular na empleyado. Matagal pa rin bago maramdaman ang direktang benepisyo Gayunpaman, naniniwala pa rin ang tatlo na may mabuting epekto rin naman ang nasabing upgrade. "Pwede na rin  'yan [kahit contractual na trabaho]… Marami rin kasing walang trabaho rito," ani Estorninos na isang tricyle driver. Ayon naman sa sari-sari store owner, maaaring hindi pa sa ngayon maramdaman ang direktang benepisyo ng ratings upgrade. "May mararamdaman ng kaunti, pero hindi pa kasi bago pa lang 'yan, eh." Katwiran ni Rambuyong, hindi rin daw maiiwasang isipin ng mga tao na maaaring may halong pulitika ang nasabing upgrade. Nakapagtataka rin diumano ang nasabing upgrade sapagkat tila walang pinagbago ang takbo ng kanilang ikinabubuhay. "Siguro may halong pulitika 'yan, para bumango ang pangalan,” aniya. "Sinasabi nilang maunlad ang ekonomiya. Pero itanong mo sa mga tao kung ano kinakain nila, kulang... Dati marami ka nang mabibili sa P30 sa palengke. Ngayon P100, ubos na sa tindahan," dagdag pa nito.  — Rouchelle R. Dinglasan/BM, GMA News