Nakagisnang penitensiya sa Bataan, may pagbabago na
Katulad ng mga nagdaang Semana Santa, karaniwang tanawin muli ngayong Huwebes Santo ang mga nagpipinetensiya sa MacArthur Highway sa Bataan sa bahagi ng Samal, Orani, Abucay at Balanga City. Ngunit marami ang nakakapuna--lalo na ang ang mga nakatatanda--na sa paglipas ng mga taon ay nagkakaroon na ng pagbabago sa nakagawiang tradisyon sa pamamanata ng mga tao lalo na ang penitensiya. Sa nakaraang mga taon, mayroon "exclusivity" ang bawat nagpepenitensiya; mga "manggagapang" lang kapag Huwebes Santo, at mga "mandurugo" at "senakulo" naman kapag Biyernes Santo. "Manggagapang" ang tawag sa mga nagpepenitensiya na gumagapang at gumugulong sa mainit na buhangin sa gilid ng kalsada o kahit sa sementadong kalsada. "Mandurugo" naman ang mga hinahampas ang sarili ng bamboo beads o nagpapapalo ng palapa ng saging hanggang sa dumugo ang kanilang likod. Ngunit sa paglipas ng panahon, nawala na ang "exclusivity" at nagkakasabay-sabay na sa Huwebes Santo ang mga manggagapang, mandurugo at pati na ang mga nagpapasan ng krus. Sa nakaraang mga Semana Santa, ang mga nagpapasan ng krus ay paisa-isa lamang at nagsisimula nang maglakad at mag-ikot sa maraming bahagi ng Bataan pagsapit pa lang ng Lunes Santo. Ang mga pumapasan ng krus at hindi humahalo noon sa mga nagpepenitensiya tuwing Huwebes at Biyernes Santo. Bukod dito, pawang pasan lamang sa kanilang balikat ang mabigat na krus at walang sumasama na bitbit na "patayo" ang krus na makikita na rin ngayon. Marahil ang tanging hindi nagbabago sa paglipas ng panahon tuwing Semana Santa ay ang pagsisikip ng daloy ng trapiko at ang nakagawiang Pasyon o mga "pabasa" ng mga kalbaryo. Ang mga nagpepenitensiya na napapadaan sa mga ito ay dumadapa nang nakadipa o lumuluhod sa semento. Ang pagtigil na ito ay pagkakataon din sa mga kasama nilang tagahampas sa kanilang likod upang makahingi ng libreng pamatid-uhaw tulad ng juice.- Ernie Esconde/FRJ, GMA News