100 pamilya, nawalan ng bahay sa Samal dahil sa sunog sa Huwebes Santo
Tinatayang 100 pamilya ang nawalan ng kanilang mga tirahan dahil sa sunog na naganap sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte nitong Huwebes Santo. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, naganap ang sunog dakong 4:30 p.m. sa Sitio Libdan sa Barangay Pichon sa Babak district. Wala namang nasaktan sa sunog na puminsala sa may 30 kabahayan, batay sa paunang ulat ng NDRRMC. Pansamantalang pinatuloy ang mga nasunugan sa Angel Villarica Elementary School, habang nagkaloob naman ng relief assistance ang City Disaster Risk Reduction and Management Council. Magkatuwang na nag-apula sa apoy ang mga bumbero mula sa Samal, Naval forces sa Eastern Mindanao, Coast Guard, Task Force Samal at Davao del Norte provincial disaster risk reduction and management council. Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog at halaga ng pinsala. — FRJ, GMA News