Lalaki, pinagbabaril sa Cebu habang naglalakad
Dead on the spot ang isang 49-anyos na lalaki matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilang mga suspek sa Cebu City nitong Martes ng madaling-araw. Batay sa paunang imbestigasyon, sinabing naglalakad nitong madaling-araw ng Martes ang biktimang si Rodrigo Cansancio sa Archbishop Reyes Avenue sa barangay Luz nang bigla siyang tapatan ng isang taxi at pinagbabaril ng sakay nito. Nakilala si Cansancio sa pamamagitan ng kanyang driver’s license. Tatlong tama ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang tumama sa katawan ng biktima na dahilan ng kanyang pagkamatay. Nakuha rin mula sa crime scene ang tatlong empty shells, isang slug at tatlong hindi pa nagagamit na bala. Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya ukol sa mga posibleng motibo ng krimen. - Jun Veliganio/FRJ, GMA News