Paslit na hinihinalang biktima ng gang rape sa Cagayan de Oro, nakalabas na ng ospital
Nailabas na ng ospital ang dalawang-taong-gulang na babae na hinihinalang pinagsamantalahan ng tatlong lalaki sa Cagayan de Oro City. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing isinasailalim ngayon sa counselling ng social welfare department ang biktima at kanyang mga kaanak. Patuloy na namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isa sa tatlong suspek. Nasampahan na ng kasong rape at frustrated homicide ang dalawang naarestong suspek. Nitong nakaraang Huwebes nang mawala ang bata sa kanilang bahay at natagpuan siyang duguan sa isang taniman sa lungsod. Batay sa ginawang pagsusuri ng duktor, nakumpirmang hinalay ang paslit. Ngunit iginiit ng dalawang nadakip na suspek na hindi sila kasama sa humalay sa biktima. -- FRJ, GMA News