ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paghahanap sa nawawalang mountaineer sa Batangas, ipinagpatuloy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ipagpapatuloy ngayong Miyerkules ang search and rescue operations ng mga pulis at barangay officials ng Cuenca, Batangas para sa nawawalang mountaineer na umakyat ng Mt. Maculot noong Linggo.
 
Huling nakita si mountaineer Victor Joel Ayson bandang 9 ng umaga ng Linggo habang bumibili ng isang bote ng mineral water sa isang tindahan sa tuktok ng bundok, ayon sa ulat ni Jay Sabale ng GMA News sa Unang Balita.
 
Bandang 2:30 a.m. noong Linggo nang iwan ni Ayson ang kanyang malaking bag sa mountaineer stopover sa Poblacion 7 sa Cuenca Batangas. Iniwan niya ito kay John Riel Catangay, apo ni Manuel Atienza, ang mountain guide at may-ari ng stopover.
 
Noong Martes, nakatanggap ng tawag si Atienza mula sa mga magulang ni Ayson, na pinaghahanap na ang kanilang anak. Sinimulan ng mga pulis at opisyal ng barangay ang kanilang search and rescue operations bandang 9 ng gabi ng Martes, ngunit nabigo ang mga ito at bumalik rin matapos ang ilang oras.
 
Nitong 1:30 ng madaling araw, umakyat ang UP mountaineers sa bundok upang hanapin si Ayson.
 
Dumating din sina mountaineers Niño Lopez at Wacky Gochoco bandang 4 ng madaling araw ng Miyerkules sa Mt. Maculot upang tumulong sa paghahanap kay Ayson.
 
"He's a friend of a friend. He contacted me and he just needed some help so I just contacted him and I called my other friend and next thing I know, I just grabbed my back and I went. And my other friend came along and said, 'Do you need back up?' and I said 'Why not?' That's it. Nothing more, nothing less," ani Lopez sa ulat.
 
Ayon naman kay Atienza, madalas umanong mayroong mga mountaineer ang nawawala sa lugar dahil umano sa "unseen forces." "Marami ang hindi naniniwala pero diyan talaga may mga naliligaw na kahit taga rito kasi may mga parang mga enkanto ba o yung mga hindi natin nakikita na talagang kapag gusto kang iligaw, maliligaw ka," ani Atienza sa ulat. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News