Oil smuggling, pananagutan ng BOC, ayon sa ilang mambabatas
Naniniwala ang isang kongresista at isang senador na dapat panagutan ng Bureau of Customs (BoC) kung totoo ang ulat na talamak pa rin ang pagpupuslit ng langis sa bansa na dahilan para malugi ang gobyerno ng hanggang P30 bilyon bawat taon dahil sa nawawalang kita sa buwis. Ayon kina House Minority Leader Rep., Danilo Suarez at re-electionist Sen. Francis Escudero, panahon na rin para magkaroon ng pagbalasa sa BoC na pinamumunuan ngayon ni Commissioner Ruffy Biazon, kapartido sa Liberal Party ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III. Ipinaalala ni Escudero na mayroong batas na Lateral Attrition kung saan maaaring parusahan ang mga opisyal at tauhan ng BOC na mabibigo sa kanilang trabaho. Basahin: Palace vows to run after oil smugglers big and small Una rito, isiniwalat ni Petron Corp. chairman Ramon Ang na isa sa bawat tatlong litro ng produktong petrolyo na nasa merkado ay ipinislit. Ang alegasyon na talamak pa rin ang pagpupuslit ng mga produktong petrolyo ay sinegundahan naman ng opisyal ng Pilipinas Shell. Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Suarez na maging ang Independent Philippine Petroleum Companies (IPPC) ay nagbigay noon ng presentasyon sa Department of Finance at BOC tungkol sa problema ng oil smuggling. Sa kabila umano ng ibinigay na mungkahi ng IPPC kung papaano mabibisto ang mga puslit na produktong petrolyo lalo na sa mga Ecozones, tila wala umanong ginawang hakbang ang dalawang ahensiya. Nitong Martes, inamin ni Biazon na mayroon pa ring nagaganap na oil smuggling pero itinanggi niyang talamak ito. Ganito rin ang naging posisyon ng Malacanang na nagsabing tukoy na nila ang mga nasa likod ng iligal na gawain. “To his credit at least Customs Commissioner Rufino Biazon acknowledges that smuggling had remained rampant in the first three years of the Aquino administration’s ‘daang matuwid’," ani Suarez. "This clearly supports our statements that smuggling has not been reduced but ironically like the mythical hydra, has even sprouted new heads that have subsequently been systematically devouring the life blood out of our farmers and traders alike,” dagdag ng kongresistang kaalyado ng oposisyon. Dahil sa isiniwalat ni Ang, sinabi naman ni Escudero na hindi malayong nangyayari rin sa ibang industriya ang problema ng smuggling ng mga produkto gaya ng reklamo noong nakaraang taon ng Philippine Iron and Steel Institute (PISI) at mga kasapi nitong industriya't asosasyon. Ayon sa senador, inihayag ng PISI na nagpadala umano ng mga sulat kay Biazon ang Philippine Galvanized Iron Wire Manufacturers Association Inc. (PGIWMAI) para hilingin na pigilin ang nagaganap na steel smuggling sa bansa. Paniwala ni Escudero, hindi mangyayari ang pagpupuslit kung walang kasabwat mula sa loob ng BOC. “Identifying smuggled products does not require sophistication since products being sold far below the average price in the market are probably smuggled. My question to the Customs bureau is, why can’t it use this simple rule in investigating reports of smuggling?,” tanong ng senador. Idinagdag ni Escudero na kung totoo ang pahayag ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na tukoy na ng pamahalaan ang mga nasa likod ng iligal na gawain, dapat na itong kasuhan kasama ng mga tiwaliang opisyal at tauhan ng BOC. - RP/FRJ, GMA News