Plea bargain deal ng Ombudsman kay ex-Gen. Garcia, pinagtibay ng Sandiganbayan
Kinatigan ng Sandigabayan Special Second Division ang legalidad ng plea bargain agreement na pinasok ng Office of the Ombudsman kay dating Maj. Gen. Carlos F. Garcia noong Pebrero 2010. Sa botong 4-1, pinawalang-sala ng anti-graft court dahil sa nasabing kasunduan si Garcia, pati na ang kanyang misis at tatlong anak, sa kinaharap nilang kasong plunder. Si Garcia ay dating comptroller ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na inakusahang sangkot sa katiwalian. Ang naging desisyon ng nasabing debisyon ng Sandiganbayan ay panimula sa magiging hatol ng korte kay Garcia na naghain ng guilty plea sa kasong direct bribery at facilitating money laundering kapalit ng mas mababang parusa. Kasama sa kasunduan ang pagsasauli ni Garcia ng mahigit P135 milyon, halos kalahati ng halagang ibinibintang na hindi maipaliwanag na kayamanan ng dating opisyal. Hindi pa naitatakda ng korte ang araw kung kailan ilalabas ang hatol kay Garcia para sa mas mababang kaso. Kasama sa ipinalabas na Joint Resolution ng Sandiganbayan ang ganap na pagbasura sa petisyon ng Office of the Solicitor General (OSG) na makialam sa pag-usig sa kasong plunder. “…(T)he evidence of the prosecution did not translate into proof beyond reasonable doubt that inescapably compelled the Court to ultimately give its imprimatur to the Plea Bargaining Agreement entered into between the Office of the Ombudsman and the accused Maj. Gen. Garcia,” nakasaad 73-pahinang desisyon ng Sandiganbayan. Nakasaad din sa desisyon ang pakiusap ng mga mahistrado sa mga kritiko ng kasunduan ng Ombudsman at ni Garcia na maging bukas ang isipan. "The Sandiganbayan Second Division appealed to its critics to “open their minds” that its decision was based solely on evidence given to it by the prosecution," ayon sa desisyon. Idinagdag pa na: “…Emphasis should be repeatedly made that even before the Court ordered the accused to convey his properties to the Government, it had already made the collective conclusion that the evidence offered by the prosecution was inefficient or inadequate to render a judgment of conviction for Plunder.” Ang naturang desisyon ay pinonente ni Associate Justice Samuel Martirez. - RP/FRJ, GMA News