PAGASA: Batanes at Calayan, uulanin; ibang bahagi ng bansa mainit
Maliban sa bahagyang pag-ulan sa ilang bahagi ng hilagang Luzon, makararanas ang buong kapuluan ng mainit na panahon ngayon Biyernes. Ayon kay PAGASA forecaster Jun Galang, ang pag-ulan ay mararanasan dahil sa epekto ng dulo ng cold front. "Sa Metro Manila, generally maganda ang panahon maliban sa panaka-nakang ulan," ani Galang sa panayam sa dzBB. Ang temperatura sa Metro Manila ay maglalaro sa pagitan ng 24 hanggang 35 degrees Celsius ngayong Biyernes. Samantala, sa pagitan naman ng 21 at 35 degrees Celsius ang magiging temperatura sa Tuguegarao City sa araw na ito. Ayon sa weather bulletin nito dakong ala-5 ng umaga, sinabi ng PAGASA na maaaring makararanas ang Batanes, Calayan Islands at [probinsya ng] Cagayan ng "cloudy skies with light to moderate rain showers and thunderstorms." Katamtaman hanggang malalakas na hangin mula sa hilagang silangan ang tatama sa hilagang bahagi ng Luzon. Ang lagay ng katubigan malapit sa mga baybayin ay magiging katamtaman hanggang maaalon. Sa iba pang bahagi ng bansa, ang hangin naman na mula sa silangan patungong hilagang silangan ay magiging banayad hanggang katamtaman, ganun din ang karagatan. — LBG, GMA News