Ginang sa Cebu, natagpuang patay sa loob ng kanyang kotse sa araw mismo ng kanyang birthday
Palaisipan sa mga kamag-anak ang pagkakatuklas sa duguang bangkay ng isang ginang sa loob ng kanyang sasakyan sa Lapu-lapu City, Cebu nitong Huwebes. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na nakita ang mga labi ni Lynette Tagimacruz Stone sa loob ng nakaparada nitong sasakyan sa barangay Pajo sa Lapu-lapu City, dakong 6:00 a.m. Ayon sa mga kamag-anak ni Stone, nasanay na sila na natutulog ang biktima sa kanyang sasakyan kapag alanganing oras na itong nakauwi ng bahay. Laking gulat umano nila nang makita nitong Huwebes ng umaga ang duguang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang sasakyan. Sa pagsisiyasat ng pulisya, isang kalibre 38 na baril ang nakuha sa loob ng sasakyan. Isasailalim sa otopsiya ang mga labi ng biktima para alamin kung siya ang nagpaputok ng baril sa sarili. Kagagaling lang umano ni Stone sa bakasyon sa Dumaguete kasama ang kanyang mga anak bago ito natagpuang patay nitong Huwebes, na araw din mismo ng kapanganakan ng biktima. -- Romina Labra, FRJ, GMA News