ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mahigit 1,000 container van na may kargang puslit na bigas, pinigil ng BOC sa Cebu


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umabot sa 1,000 container van na nagmula sa Vietnam at may kargang bigas pero idineklarang ibang produkto ang napigil ng Bureau of Customs (BOC) sa Cebu. Ayon kay BOC Commissioner Ruffy Biazon, ipinuslit ang mga bigas sa pantalan ng Cebu magmula noong Marso 22 hanggang Abril 3, 2013 na tinatayang aabot ang halaga sa P1.2 bilyon.   Nakapangalan umano sa siyam na magkakaibang consignees ang mga kargamento na idineklarang stone slabs, granite slabs at cooling insulators. Idinagdag ni Biazon na walang kaukulang import permit mula sa National Food Authority (NFA) ang mga kargamento. Bagaman "technically" ay  kumpiskado na ng pamahalaan ang 1,000 container van, sinabi ni Biazon na hindi pa sila nakakapagpalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) dahil mayroon 30 araw ang mga consignee para isumite nila ang kanilang import entries.   Kung naideklara ng tama at legal ang mga papel, sinabi ni Biazon na aabot sa P600 milyon ang kikitain ng pamahalaan sa buwis sa mga kargamento. Dahil dito, hindi umano maaaring mailabas sa pantalan ang mga kargamento at iniimbestigahan na rin ang mga pangalang nakalista sa mga dokumento, dagdag ni Biazon. - FRJ, GMA News