Bureau of Customs, dapat na nga bang buwagin?
Inihayag ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ruffy Biazon ang malalim na pagkakabaon ng katiwalian sa kanyang ahensiya at ang pagbuwag nito ang nakikita niyang paraan upang lubos itong malinis. Sa nakaraang roundtable discussion ng Philippine Daily Inquirer kung saan humarap si Biazon, inihayag ng opisyal ang kanyang mungkahi sa Palasyo na buwagin ang BOC at palitan ng “professional institution run by private officials and employees.” Dagdag ni Biazon, ang pag-overhaul sa Customs ay ginawa na rin sa ibang bansa at naging epektibo. Nasa sentro muli ng atensiyon si Biazon nitong nakaraang mga araw bunga ng alegasyon ng talamak na oil smuggling sa bansa. Binabulaanan naman ito ng opisyal at inihayag na posibleng bahagi ng demolition job ang mga pag-atake sa kanya ng mga taong may interes sa kanyang posisyon. Puna ni Biazon, posibleng isa sa mga dahilan kung bakit hindi nagkakaroon ng lubos na reporma sa BOC ay ang walang tigil na pag-atake sa mga naitatalagang pinuno ng ahensiya samantalang hindi nagagalaw ang mga tiwali sa ilalim ng ahensiya. Kaya naman nais niya na maipatupad ang "top to bottom" overhaul sa BOC para mabigyan ng bagong simula ang ahensiya. Pero sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado, sinabi deputy presidential spokesperson Abigail Valte na wala pang pinal na desisyon tungkol sa pagbuwag sa BOC. Gayunman, inamin ni Valte na isa sa mga ikinukonsidera ng Palasyo ang mungkahi ni Biazon. “From what I understand from Commissioner Biazon, that was one of the suggestions. These discussions are initial, (one of the) possibilities being discussed how to improve Customs performance,” pahayag ng tagapagsalita. “These are initial discussions and one of the options being discussed in our efforts to find ways to improve customs performance,” patuloy niya. Binalewala rin ni Valte ang mga haka-haka na ang pagbuwag sa BOC ay paraan lamang para mabigyan ng "graceful exit" si Biazon. Si Biazon ay tumakbo pero natalong senatorial candidate ni Pangulong Benigno Aquino III noong 2010 elections. Nilinaw din ni Valte na walang inihahayag si Aquino na nawalan na siya ng tiwala at kumpiyansa kay Biazon bunga ng mga alegasyon ng katiwalian sa BOC. “Walang sinasabi ang pangulo na wala siyang tiwala o nawalan ng tiwala kay Commissioner Biazon,” dagdag ng opisyal. - FRJimenez, GMA News