ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pangangampanya ni DILG chief Roxas, bawal nga ba?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bunsod sa inilabas na memo na nagbabawal sa mga opisyal ng Interior Department na mangampanya ngayong eleksyon, kinuwestiyon ang pakikilahok ni Interior Secretary Manuel Roxas sa pangangampanya ng senatorial bets ng administrasyon. Dahil dito, ipinagtanggol ng isang opisyal ng Malacañang nitong Linggo ang pangangampanya ni Roxas para sa mga tumatakbo sa ilalim ng kanyang partidong politikal. Paglilinaw ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, ang mga "career employees" lamang ang ipinagbabawal na mangampanya. "There is already a decided case by the Supreme Court kung sino ang sa pamahalaan ang pwede mangampanya pagdating sa election. Kasama rito ang Cabinet secretary, exempted sila," aniya sa dzRB radio. Dagdag niya, ang memo ni Roxas "is for other employees in the DILG," partikular na ang "career officials" na pinagbabawalang mangampanya alinsunod sa civil service rules. Noong Enero, nagpasya ang Commission on Elections na maaaring mangampanya sina Pangulong Benigno Aquino III at Vice President Jejomar Binay at pati na rin ang mga miyembro ng Gabinete para sa eleksyon 2013. Pinahintulutan ang mga opisyal na mangampanya sa kabila ng isang probisyon sa konstitusyon na nagbabawal sa mga tauhan ng gobyerno na mangampanya. Ayon kay retired Comelec Commissioner Rene Sarmiento, ang pagbabawal ng Konstitusyon ng Pilipinas sa mga tauhan ng gobyerno ay mayroong kataliwasan. Ayon kay Sarmiento, sa kasong Santos vs Yatco na naresolba ng Korte Suprema noong 1960s, ang ilang mga opisyal ng gobyerno, partikular na ang mga nakaupo sa mga "political" na posisyon, ay hindi saklaw sa ban. — Amanda Fernandez/BM, GMA News