Mag-ama na nanalo sa sabong, patay matapos pagbabarilin sa CamSur
Patay ang isang mag-ama matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa bayan ng Ocampo sa lalawigan ng Camarines Sur nitong Martes ng hapon. Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang mag-amang sina Salvador Marquez Sr., 63-anyos, at anak niyang si Salvador Jr., 29-anyos. Ayon kay Gng Teresita Marquez, misis ni Salvador Sr., dakong 3:00 p.m. nitong Martes nang makarinig siya ng putok ng baril sa kanilang lugar habang nasa loob siya ng bahay. Nang hindi nakauwi sa kanilang bahay ang kanyang mag-ama, nag-alala na umano si Gng Teresita. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na papauwi na ang mag-ama mula pagkapanalo sa sabong bago sila pinaslang. Bagaman blangko pa ang mga pulis sa motibo ng pamamaril, inihayag ng panganay na anak ni Gng. Teresita na may pinaghihinalaan siyang suspek na may hinanakit umano sa kanilang ama at maaaring nadamay lang ang kanyang kapatid. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang kaso at hinihintay din ang resulta ng autopsy sa mga labi ng biktima para malaman ang kalibre ng baril na ginamit ng suspek. - Michael B. Biando/FRJ, GMA News