Karne ng endangered species na manta ray, nasabat sa Cebu City
Nasabat ng mga awtoridad sa Cebu City ang aabot sa 50 kilo ng karne ng manta ray o pagi na kabilang sa mga uri ng isda na nanganganib nang maubos kaya ipinagbabawal na hulihin at ibenta. Nakatakda na umanong ibenta sa pamilihan ang manta ray nang masabat ng mga tauhan ng Cebu City Bantay-Dagat Commission sa barangay Duljo Fatima. Isang matandang babae na may dala ng manta ray ang pansamantalang pinigil pero pinakawalan din matapos idahilan na ipinabenta lang sa kanya ang karne ng pagi. Ayon kay Dioscoro Avenido, hepe ng monitoring control and surveillance section ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resource, ipinagbabawal sa ilalim ng Fisheries Code ang paghuli, pagpatay at pagbebenta ng manta ray dahil kasama ito sa listahan ng mga isda na nanganganib nang maubos. -- Vic Serna/FRJ, GMA News