Sanggol na may kamay at paa sa likod ng katawan, isinilang sa Roxas City
Inoobserbahan ngayon sa isang ospital sa Roxas City, Capiz ang kalagayan ng isang mag-ina matapos isilang ang isang sanggol na mayroong tatlong kamay at paa. Nagulat ang mga medical personnel ng Roxas Memorial Provincial Hospital nang makita ang sanggol nang iluwal ng ina dahil sa kakaibang itsura ng katawan ng bata. Maliban kasi sa karaniwang dalawang kamay at paa ng sanggol, may isa pang paa at kamay na nakita sa likuran ng bata. Ayon sa isang kawani ng ospital, posibleng ang sobrang kamay at paa sa likod ng sanggol ay kakambal ang bata na hindi nabuo. Hinala naman ng mga kaanak ng ginang, baka ipinaglihi nito ang anak sa alimango o sa pusit. Sa ngayon, nasa neonatal intensive care unit ng ospital ang bata at doon din nagpapalakas ang kanyang ina. -- Chris Yu/FRJ, GMA News