Pinay OFW na binugbog daw ng kanyang mga amo, pumanaw sa Abu Dhabi
Nanawagan ng katarungan ang pamilya sa Iloilo ng isang overseas Filipino worker (OFW) na pumanaw sa Abu Dhabi ilang araw matapos itong magreklamo na binubugbog siya ng kanyang mga amo. Napag-alaman na sinagip si Marites Lozano sa bahay ng kanyang mga amo sa Abu Dhabi noong Abril 1 mula sa pagpapahirap na dinanas nito. Pagkaraan ng tatlong, nanghina na ito at dinala sa ospital kung saan siya binawian ng buhay matapos na ma-stroke. Ayon sa anak ng Lozano na nasa Tigbauan, Iloilo, noong Lunes lang niya nalaman ang masaklap na nangyari sa kanyang ina. Nais ng pamilya ng OFW sa Iloilo na maiuwi na sana kaagad sa Pilipinas ang mga labi nito at maparusahan ang mga taong nanakit sa biktima. Sa isang ulat naman sa Balitanghali nitong Biyernes, naipakita pa ang kuha sa video ni Lozano habang ikinukuwento ang sinapit niyang pagmamalupit ng kanyang mga amo. Ang naturang video ay kuha umano ng mga kapwa OFW ni Lozano na nag-alaga sa kanya. Nangako naman si Vice President Jejomar Binay, presidential adviser on OFW, na aasikasuhin ang kaso ni Lozano. -- Nenita Hobilla/FRJ, GMA News