Ang panahon na madalas maglakbay sa Pinas ang mga Pinoy
Sa buwan ng Abril hanggang Setyembre kadalasang naglalakbay o namamasyal sa Pilipinas ang mga Pilipino. Alamin ang 10 pangunahing lugar sa Pilipinas na madalas puntahan ng ating mga kababayan. Batay sa 2009 Household Survey on Domestic Visitors (HSDV) na isinagawa ng National Statistics Office at Department of Tourism, lumitaw na 22.8 milyong Pinoy na nasa edad 15 pataas ang naglalakbay sa Pilipinas mula Abril 1 hanggang September 30. Sa panahong nabanggit, pinakamarami ang naglalakbay sa panahon ng Semana Santa para samantalahin ang long holiday weekend (Abril). Sumunod naman dito ang panahon ng Labor Day (Mayo), at ang pagtatapos ng Ramadan (Setyembre). Ang pagbisita sa mga kamag-anak at kaibigan o pagdalo sa mga okasyon ang lumilitaw na pangunahing dahilan sa kanilang pamamasyal. Sumunod na dito ang bakasyon at pagliliwaliw. Bukod sa Metro Manila, ang mga lugar na madalas pasyalan ng mga Pilipino ay ang Cebu, Laguna, Cavite, Pangasinan, Lanao del Sur, Bulacan, Batangas, Nueva Ecija, at Pampanga. - FRJimenez, GMA News