4 katao, sugatan sa pagguho ng isang bahagi ng gusali sa Malolos, Bulacan
Apat na trabahador ang nasugatan matapos gumuho ang isang bahagi ng itinatayong gusali sa Malolos City, Bulacan nitong Lunes. Dinala ang mga nasugutang obrero sa Bulacan Medical Center (BMC). Matapos silang malapatan ng lunas, pinalabas na rin ang tatlo maliban kay Ricky Watiwat, 37-anyos, dahil kailangan pa itong obserbahan. Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na naganap ang aksidente dakong 5:00 p.m. nitong Lunes. Ang gusali na sinimulang itayo noong nakaraang taong ay nasa barangay Dakila sa MacArthur Highway. Hinihinalang bumigay ang isang bahagi ng itinatayong gusali matapos bumagsak ang scaffolding na sumusuporta sa ikalawang palapag nito. Ang gusaling sinasabing gagamiting academic center ng STI. Naganap ang aksidente habang binubuhusan ng sariwang semento ang ikalawang palapag ng gusali. -- RRamos/FRJ, GMA News