140 narekober na mga vintage bomb sa Pasay, ipinapadispatsa na
Ipinag-utos sa mga tauhan ng pulis-Pasay na pasabugin na sa isang ligtas na lugar ang mahigit 140 World War II vintage bombs na narekober sa Pasay City kamakailan. Ayon kay Police Chief Supt. Generoso Serbo Jr., ipinag-utos ni PNP Chief Dir. Gen. Allan Purisima ang agarang "disposal" ng mga bomba para maiwasan ang disgrasya, ayon sa ulat ng dzBB. Delikado umano kapag nagtagal pa ang mga ito sa himpilan ng pulisya sa Pasay City, kung kaya dapat madala na ito sa isang ligtas na lugar kung saan ang mga ito pasasabugin. Kabilang sa mga narekober ang 140 na vintage bombs at iba pang uri ng pampasabog. Ayon kay Serbo, posibleng dalhin ang mga bomba sa isang lugar sa Central Luzon para doon na i-dispose. Umapila naman si Serbo sa mga junk shop owners na isuko na lamang sa mga kinauukulan sakaling may mga naibenta sa kanilang vintage bombs o ano pa mang uri ng bomba para makaiwas sa anumang disgrasya. — RC /LBG, GMA News