ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Patuloy na mataas na bilang ng mga mahihirap sa bansa, dapat umanong maging hamon sa gobyerno


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umaasa ang ilang lider ng Simbahang Katoliko na lalong pag-iibayuhin ng administrasyong Aquino ang mga programa nito kontra sa kahirapan matapos lumabas ang datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB) na walang pagbabago sa antas ng kahirapan sa bansa sa nakalipas na anim na taon.   Sa magkakahiwalay na panayam sa Veritas Radio, nagpahayag ng pag-asa ang mga lider ng Simbahan na haharapin at sosolusyunan ng gobyerno ang problema sa halip na idepensa ang sarili kaugnay sa mga ginagawa nito upang tugunan ang usapin ng kahirapan.   Para kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-NASSA, ang resulta ng ginawang survey ng  NSCB ay patunay na hindi nakararating sa mga mahihirap ang sinasabing pag-unlad sa ekonomiya ng bansa.   Isa sa mga nakikitang dahilan ng obispo sa mabagal na kaunlaran ay ang mabagal din na pagpapatupad ng mga asset reform law tulad ng land reform o CARPER.   Inihayag naman ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Collin Bagaforo, na dapat magsilbing malaking hamon sa gobyerno ang resulta ng poverty survey para lalo silang magsikap na kumilos upang matulungan ang mga mahihirap.   “Imbes na i-deny, tanggapin nila ng gobyerno na may paghamon upang matingnan na mabuti kung paano matutugunan ito rather than denying it or rather than coming up with justification so on and so forth siguro mas mabuti talaga na sagutin nila yan sa pamamagitan ng mga strategies at pamamaraan kung paano matutugunan ang paghihirap ng mamamayan,” payo niya.   Hinimok naman ni Caritas Manila executive director Fr.Anton Pascual ang gobyerno na gumawa ng mas epektibong programa na makatutulong upang mapaunlad ang pamumuhay ng mga maralita.   Sinabi ni Pascual na kailangang harapin ng gobyerno ang katotohanan na hindi nagbubunga ang mga anti-poverty program nito tulad ng conditional cash transfer program o CCT. - MP/FRJ, GMA News  

Tags: poverty,