Isyu sa citizenship ni Lim, muling binuhay ni Estrada
Binuhay muli ni dating Pangulo at Manila mayoralty candidate Joseph "Erap" Estrada ang isyu sa citizenship ng kanyang kalabang si incumbent Manila Mayor Alfredo Lim. “We might file a disqualification case,” ayon kay Estrada nitong Huwebes matapos makakuha ng kopya ng resolusyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagbabasura sa disqualification case na inihain laban naman sa kanya. “We cannot find any birth certificate and he cannot produce one,” aniya. Sinubukan umano nilang kumuha ng kopya ng birth certificate ni Lim nitong nakaraang buwan ngunit nabigo sila. Naniniwala si Estrada na kapwa Chinese ang ina at ama ni Lim. Sa ilalim umano ng batas, ipinagbabawal ang pagtakbo sa halalan ng mga hindi ipinanganak sa bansa. Unang kinuwestiyon ang citizenship ni Lim noong 1998 elections nang tumakbo siya sa posisyon bilang pangulo. Sa mga naunang ulat na lumabas, sinabing nakakuha ng kopya ng birth certificate ni Lim sa national archives, kung saan nakalista ang kanyang citizenship bilang "Chinese mestizo." Sinasabing "reconstituted birth certificate" lamang ang ipinakita ni Lim, na natalo bilang pangulo kay Estrada noong 1998. Nakuha umano ni Lim ang sertipikasyon noong 22-anyos na siya, kung saan nakasaad na kapwa Pilipino ang kanyang mga magulang. Tatlong linggo Nang tanungin kung maghahain siya ng kaso, sinabi ni Estrada na kukunsultahin muna niya sa kanyang mga abugado, at mayroon pa namang tatlong linggo bago ang Mayo 13 elections. Mabilis naman na itinanggi ni Estrada na nais lamang niyang gumanti kay Lim dahil sa paniwala nito na ang alkalde ang nasa likod ng disqualification case laban sa kanya. “The people deserves to know his (Lim) citizenship,” giit ni Estrada. Idinagdag niya na maaari naman niyang ihain ang kaso kapag natapos na ang eleksyon. “The people have the right know. He became a policeman, a mayor, secretary of DILG (Department of Interior and Local Government), a senator. He will answer for that falsification of his birth certificate,” patuloy ng dating pangulo na umaasang matatapos na umano ang "dirty tricks" ni Lim matapos ibasura ang disqualification case laban sa kanya. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News