Dating ahente ng NBI, patay sa pamamaril sa Makati
Patay ang dating ahente ng National Bureau of Invetigation – na naging bodyguard ng star witness ng kontrobersyal na Vizconde Massacre case – matapos barilin sa Makati City nitong Sabado. Batay sa ulat ni Mao dela Cruz ng dzBB, nagwo-work out ang biktimang si John Herra sa Republic Fitness Gym sa panulukan ng M. Reyes at Malvar Sts. sa Barangay Bangkal pasado alas-9 ng umaga nang pumasok ang suspek at magpanggap na isang kostumer. Hindi nagtagal, bigla na lamang umanong bumunot ang suspek ng baril at pinaputukan ang biktima. Ayon sa mga nakasaksi, nagawa pang magpaputok ng suspek sa labas ng gym bago tumakas. Hindi pa matiyak kung naglakad lamang o kung may kasama sa pagtakas ang suspek. Bukod sa Scene of the Crime Operatives ng Makati PNP, dumating din ang Alert Team ng NBI para magsagawa ng parallel investigation ukol sa pamamaril at pagpatay sa dating ahente ng NBI. Patuloy na nangangalap ng impormasyon ang PNP at NBI sa motibo ng krimen. Matatandaang naging bodyguard si Herra ng dating star witness ng Vizconde Massacre case na si Jessica Alfaro. Noong 2011, pinawalang-sala ng Korte Suprema ang anim na suspek sa pagpaslang sa tatlong miyembro ng pamilya Vizconde ng Parañaque City noong June 30, 1991. Ang mga biktima ay ang inang si Estrellita, 49, na nagtamo ng 13 stab wounds; ang 19-anyos na anak na si Carmela (17 stab wounds); at ang 6-anyos na si Jennifer (19 stab wounds). Tanging si Lauro Vizconde, asawa ni Estrellita at ama ng mga bata, ang natira dahil nasa US ito nang mangyari ang krimen. Kabilang sa anim na suspek ang anak ni dating Senator Freddie Webb na si Hubert. — RC /LBG, GMA News