NPA, inamin ang pagdukot sa police escort ng ComVal gov
Inako ng New People's Army ang responsibilidad sa pagdukot sa police escort ni Compostella Valley Governor Arturo Uy noong Linggo ng hapon. Sa isang pahayag, sinabi ni Ka Daniel Ibarra, tagapagsalita ng ComVal-Davao Gulf sub-regional command ng NPA: "Compostella Valley re-electionist Gov. Arturo Uy failed to coordinate and cooperate with the New People's Army and organs of the People's Democratic Government in the strict adherence with the no-firearms policy within the revolutionalry territories." Dinukot si Senior Police Officer 1 Allan Pansoy, security detail ng gobernador at anim pang board members, sa isang political rally sa Barangay Anitapan sa bayan ng Mabini sa probinsya ng Compostela Valley. Nangyari ang pagdukot sa umano'y checkpoint ng NPA, isang linggo matapos tambangan ang convoy ni Gingoog Mayor Ruth Guingona, 78-anyos, sa isa pang NPA checkpoint sa Misamis Oriental sa Mindanao. Nagtamo ng sugat si Mayor Guingona, ngunit napatay ang dalawa niyang tauhan. Sinisi ng NPA si Guingona sa hindi pakikipag-ugnayan sa kanila sa kanyang mga lakad. Samantala, sa hiwalay na panayam, nanawagan si Governor Uy sa mga rebelde na pakawalan si SPO1 Pansoy. “Sana 'yong police na kinuha nila, si SPO1 Allan Pansoy, 'di naman 'yon sumama sa amin dahil may operation against them, merely ni-request ko lang 'yon kay PD Cascolan, sana i-release na nila kasi kawawa ang pamilya,” ani Uy. Maliban sa pagdukot kay Pansoy, kinumpiska rin ng mga rebelde ang dalawang Armalite rifles, isang short firearm, at handheld radio mula sa grupo. Sinabi naman ni Compostela Valley police chief Senior Superintendent Camilo Cascolan sa GMA News Online na prayoridad ngayon ng provincial police command ang pagrekober kay Pansoy. “Up to now continuous ang operations, both covert and by men in uniform. Of course, in close coordination kami sa 71st Infantry Battalion ng Army,” ayon kay Casoclan. Maliban dito, ayon kay Cascolan, “May mga negotiation na going on, including the governor, who acted on his own to contact the rebels.” Ayon kay Casoclan, wala pa umanong hinihinging na kapalit ang mga NPA para sa paglaya ni Pansoy. Samantala, umaasa naman ang mga awtoridad na hindi pa dinala sa malayong lugar si Pansoy. “We’re very optimistic, they’re just within the area, and we’re patrolling on a daily basis,” aniya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News