ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

VP Binay, hindi nababahala sa mababang performance rating ng UNA candidates sa mga survey


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Hindi umano nababahala si Vice President Jejomar Binay sa mababang performance rating ng mga kandidato ng United Nationalist Alliance sa mga pre-election survey, at masusurpresa na lamang daw ang Team PNoy sa araw ng eleksyon.
 
Sa pinakahuling Pulse Asia survey, napag-alamang sa 16 kandidatong may "statistical chance of winning," 11 sa mga ito ay mula sa Liberal Party-led coalitoin habang ang lima naman ay mula sa UNA, tulad sa survey sa isinagawa noong Marso.
 
Samantala, nakasaad naman sa pinakahuling SWS survey na 10 kandidato ng Team PNoy ang maaaring makakuha ng pwesto sa Senado, kumpara sa lima lamang ng UNA.
 
Ngunit sa isang panayam sa Antique nitong Martes, sinabi ni Binay na ito rin umano ang sitwasyon niya noong 2010 nang kalabanin niya si dating LP vice presidential at ngayong Interior Secretary Mar Roxas.
 
"Noong eleksiyon sabi ng survey... 54 Mar Roxas, Jojo Binay 2. Sabi naman ni Sen. [Juan Ponce] Enrile, if I quote it correctly lagi kasi niyang sinasabi, "You know Jojo, those guys they will be in for a surprise." They will also be in for a surprise in this election," aniya.
 
Sa 2010 vice presidential race, nakakuha ng 14,645,574 boto si Binay habang 13,918,490 naman kay Roxas — sa slim margin na 727,084 na mga boto. Mayroong nakabiting electoral protest si Roxas laban kay Binay.
 
Para kay Binay, ngayong eleksyon 2013, haharap ang LP ng parehong kabiguan sapagkat marami na umanong mga lokal na opisyal ang naghayag ng suporta para sa UNA.
 
"Yung north more or less solid... yung sa Region 2. Mananalo kami. Galing ako sa Bicol, paano magti-twelve-zero? Si [Albay] Gov. [Joey] Salceda, lima sa UNA ang kandidato niya. Galing ako sa Zamboanga lalung-lalo na sa Mindanao. Di ko lubos maisip kung paano kami matatalo sa Mindanao. Sa Iloilo... ang lakas ng kandidato namin... paano kami matatalo rito?" aniya.
 
"Hindi kami mati-twelve-zero tiyak na tiyak. Bukas makawala magiging 8-4 o 7-5. Baka 7-6," dagdag niya.
 
'Mahihirapan ang UNA'
 
Sa inilabas namang pahayag ni LP spokesman Ben Evardone, sinabi niyang mahihirapan ang UNA na kalabanin ang resulta ng mga survey.
 
"Mahihirapan na ang UNA na baliktarin ‘yan. Ilang polling agencies na ang naglalabas ng survey. Pare-pareho ang sinasabi. Ang UNA na lang ang hindi naniniwala," aniya.
 
"This is a clear indication that our people want the President’s reform agenda of inclusive growth anchored on the “daang matuwid’ to continue in the next three years. [So] we will continue to work hard in the homestretch of the campaign to pull up our remaining candidates outside the “Magic 12," dagdag niya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News