Renato Corona, nakatakda nang kasuhan ng tax evasion
Nakatakda nang samapahan ng kasong tax evasion ng Department of Justice si dating Chief Justice Renato Corona. Sa resolusyon ng National Prosecution’s Service ng DOJ, sinabi nitong may “probable cause” para kasuhan si Corona dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis sa loob ng anim na taon na nagkakahalaga ng mahigit P120 milyon. Matatandaang nagsampa ng reklamo ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban kay Corona dahil sa mga naglabasang impormasyon nung impeachment trial laban sa kanya. Partikular na pinuntirya ng reklamo ang 'di magkatugmang halaga ng bank deposits at mga ari-arian niya sa nakalagay sa kanyang Satement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN). Ayon sa DOJ, nagawang makuha ng BIR ang record ng ilang peso at dollar bank accounts ni Corona dahil na rin sa waiver na isinumite niya para buksan ng Senate impeachment court ang kanyang mga account. Dahil dito, nalaman ng BIR na higit umanong malaki ang laman ng kanyang mga account kaysa sa mga idineklara niya. Halimbawa nito noong 2010 kung saan P3.5M lamang ang cash deposits na idineklara ni Corona pero mahigit P137M umano ang pera niya sa iba’t ibang mga bangko noong taong iyon. Dalawang real estate property rin umano ang hindi nakadeklara samantalang may ilang ari-arian pang hindi naman nakadeklara ang totoong halaga. Nauna ng kinuwesyon ng kampo ni Corona ang paggamit ng DOJ sa waiver na ibinigay niya sa impeachment court para mabuksan ang kanyang account dahil wala na umano itong bisa at para sa impeachment court lang. Samantala, sa isang pahayag ni Corona, sinabi niyang makakaasa pa raw ba siya ng hustisya sa DOJ na pinamumunuan ni Sec. Leila de Lima na tumestigo laban sa kanya sa impeachment trial. Dagdag pa ni Corona, bunga ng 45 na taon niyang pagtatrabaho sa private at public sector ang kanyang naipong pera. Wala umanong legal, factual at moral basis ang mga paratang sa kanya ng BIR. Sinabi ni Corona na wala siyang tax liabilities sa gobyerno at bahagi lang ito ng political harassment laban sa kanya. Tiniyak naman ng DOJ na naging patas ang kanilang imbestigasyon. Isasampa ang kaso sa Court of Tax Appeals sa lalong madaling panahon at bahala na ang korteng magdesisyon. — RC /LBG, GMA News