Hirit ni Mancao na makausap si PNoy, tinanggihan
Tinanggihan ni Pangulong Benigno Aquino III ang kahilingan na makausap siya ni dating Police S/Supt. Cezar Mancao, isang murder suspek na tumakas mula sa kanyang selda sa himpilan ng National Bureau of Investigation noong Huwebes. Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, sapat na umano ang sinabi ni Interior Secretary Mar Roxas para sa katiyakan na ligtas si Mancao sa anumang panganib. Matatandaang idinahilan ni Mancao ang umanoy "threat" sa kanyang buhay kaya siya tumakas. Sinabi ni Lacierda na mas makabubuting harapin na lamang ni Mancao ang kaso sa halip na magtago sa batas. Tumanggi namang magkomento si Lacierda sa pagkakadawit ni Sen. Panfilo Lacson sa umano’y banta sa buhay ni Mancao. Bahala na rin umano si Justice Secretary Leila de Lima kung sisisbakin nito si NBI Director Nonnatus Rojas, depende sa resulta ng imbestigasyon, dahil sa pagkakatakas ni Mancao. Si Lacson, Mancao at ilang pang mga opisyales ng pulis ay nadawit sa pagdukot at pagpatay kina PR man Salvador "Bubby" Dacer at ang drayber nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000. Napawalang-sala sina Lason at iba pa, maliban kay Mancao, na sumubok na magpailalim sa Witness Protection Program (WPP) at magiging state witness sa kaso. Hindi kinatigan ng korte ang kahilingan ni Mancao at ipinag-utos nito na ilipat siya sa Manila City Jail. Tumakas si Mancao bago mailipat sa city jail dahil maynagbabalak umanong pumatay sa kanya doon. Samantala, ipinag-utos na ni De Lima ang pagtanggal kay Mancao sa listahan ng DOJ ng mga nasa ilalim ng WPP, matapos magmatigas ang pugante sa panawagan na sumuko na. Ayon kay Sec. de Lima, tila tuluyan na siyang itinulak sa pader ni Mancao at naiiipit na siya. Iginiit ni De Lima na dapat nang sumuko si Mancao at harapin ang kaso sa korte para linisin ang kanyang pangalan. — Ryvalyn Caritatibo /LBG, GMA News