Payo ni Mar Roxas kay Mancao: Sumuko ka dahil mas ligtas ka sa loob ng piitan
Pinapasuko ni Iterior Secretary Mar Roxas ang pumugang si dating Police S/Supt. at murder suspect Cezar Mancao na tumakas mula sa kanyang piitian sa himpilan ng National Bureau of Investigation sa Maynila noong Huwebes. Ipinagnako rin ni Roxas ang bibigyan ito ng karampatang police proteksyon, ayon sa ulat ng dzBB nitong Sabado. Matatandaang tumakas si Mancao dahil umano sa banta sa kanyang buhay, lalupa't nakatakda siyang ilipat sa Manila City Jail. Ayon sa kalihim, maaaring may batayan ang reklamo at hinaing ni Mancao, pero mas makabubuting sumuko na lamang siya dahil baka mas lalong manganib ang kanyang buhay sa labas ng piitan. Sa ulat ni Sam Nielsen ng dzBB, tiniyak ni Roxas na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para hanapin si Mancao, suspek sa pagdukot at pagpatay kay PR man Salvador Dacer at driver nitong is Emmanuel Corbito noong 2000. Nakakalat na rin umano sa mga immigration teller sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang mga larawan ng dating opisyal ng pulis. Todo alerto ngayon ang Bureau of Immigration para pigilang makalabas ng bansa si Mancao. Ayon pa sa kalihim, itinuturing nang pugante si Mancao kaya isinailalim na sa watch list at manhunt operation ang dating pulis. Sakali man umanong sumuko si Mancao, walang ibang ligtas na lugar kundi sa kustodiya ng pamahalaan. Manhunt ops, nagpapatuloy Ayon naman kay NBI Deputy Dir. Reynaldo Esmeralda, naka-deploy na ang kanilang mga ahente at mga special investigator sa buong bansa para hanapin si Mancao. Kasabay nito, nanawagan siya sa kanyang "kaibigan" na pag-isipan ang mg bagay-bagay at sumuko na. Hiling din ni Esmeralda sa publiko na tumawag sa NBI kung may impormasyon kaugnay sa kinaroroonan ni Mancao. “Kung meron kayong nakita o impormasyon kung nasaan si Col. Cezar Mancao, nire-request po naming na makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng NBI sa pamamagitan ng telepono 526-6205 o kung hindi man sa cellphone number 0917-5218777”, pahayag ni Dep. Dir. Reynaldo Esmeralda. Samantala, aminado itong si NBI Director Nonnatus Rojas na nahihirapan silang matunton si Mancao dahil dating pulis ito at alam niya kung paano maililigaw ang mga naghahanap sa kanya. — Ryvalyn Caritativo /LBG, GMA News