Lalaki, patay nang maipit ng dalawang container van sa Cebu
Patay ang lalaking checker ng isang container shipping line matapos siyang maipit sa dalawang container van sa Pier 6 sa Cebu City. Sa ulat ni Mark Anthony Bautista ng GMA-Cebu sa "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing nag-iinspeksiyon ang biktimang si Edgar Soriano nang maganap ang aksidente. Naging pahirapan ang ginawang pag-rescue kay Soriano, at wala na siyang buhay nang maalis sa pagkakaipit. Ayon sa mga nakakita, isang trailer truck ang nakaatras sa isang container van na naging dahilan ng pagkakaipit ng biktima. Maaaring hindi umano alam ng driver ng trailer truck na mayroong taong naipit sa insidente. Kaagad namang sumuko ang driver ng container van pero sa presinto na nagpakita ang driver ng trailer truck. Paliwanag ng driver ng trak, natakot siya kaya umuwi muna ng bahay. Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang dalawang driver. Nangako naman ang may-ari ng mga cargo vehicle na tutulong sa pagpapalibing sa biktima at magbibigay din ng umano ng tulong sa mga naulila nito. - FRJ, GMA News