Libu-libong piraso ng pekeng Olay products, nasamsam sa Maynila
Nasamsam ng mga ahente ng National Bureau of Investigation sa isang operasyon sa Maynila ang libu-libong piraso ng mga pekeng produkto ng Olay. Ayon sa ulat ni Mao dela Cruz ng dzBB nitong Sabado, nagkakahalaga ng P6.5M ang mga pekeng produkto. Dagdag pa ng ulat, isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng anti-counterfeiting campaign ng NBI-Intelectual Property Rights Division. Aabot umano sa 10,830 piraso ng pekeng Olay products ang nasamsam ng NBI sa isinagawang raid sa isang retail outlet at tatlong stockrooms ng Double J Universal Ventures Co. o mas kilala sa tawag na JJ Jewelry na matatagpuan sa C.M. Recto at Sta. Cruz, Maynila. Napag-alamang pag-aari ang establisyamento isang nagngangalang Jacky Tan. Nauna na rito, naglabas ng search warrant si acting Presiding Judge Lilia Abella Aquino ng Manila Regional Trial Court Branch 24-NBI-IDIT, makaraang maghain ng reklamo ang Olay Intellectual Property Rights Representatives dito sa Pilipinas. Kasong trademark infringement sa ilalim ng Intellectual Property Code of the Philippines o Republic Act 8293 ang isasampang kaso laban sa may-ari ng establisyamento. — RC /LBG, GMA News