Head ng security management division ng NBI, 2 security personnel, sinibak
Sinibak na sa puwesto ang pinuno ng Security Management Division ng National Bureau of Investigation (NBI) kasunod ng pagkakatakas ni dating Police S/Supt. Cezar Mancao II. Bukod sa pagtanggal sa puwesto kay Rodrigo Mapoy, sinibak din ang dalawang security personnel na sina Pablo Remalante at Ibrahim Musa. Sila ang naka-duty nang oras na makatakas sa NBI si Mancao na nahaharap sa kaso kaugnay sa pagpatay sa publicist na si Salvador Dacer at drayber niyang si Emmanuel Corbito noong taong 2000. Isinalang na rin sa inquest proceedings ang tatlo kaugnay ng pagkakatakas ng dating opisyal ng pulisya. Sa ulat ng dzBB radio, sinabi ni NBI Dir. Nonnatus Rojas na pansamantalang si NBI Deputy Dir. For Administrative Service Edmond Arugay ang mangunguna sa security management division. Isasalang din sa imbestigasyon ang anim pang guwardiya na naka-duty din nang oras na nakatakas si Mancao. - RC/FRJ, GMA News