Kahon-kahong pinatuyong marijuana, nasabat sa bus terminal sa QC
Naharang ang umano'y pagtangkang pagpuslit ng kahon-kahong mga marijuana sa terminal ng bus sa Quezon City nitong Linggo matapos makatanggap ng impormasyon ang mga pulis tungkol sa bagahe. Nakabalot sa dyaryo ang mga ito at inilagay sa anim na karton sakay sa Victory Liner bus, ayon sa ulat ni Manny Vargas sa radio dzBB. Ayon sa mga pulis, nakatanggap sila ng tip mula sa isang dispatcher ng bus company, matapos dumating ito sa terminal sa EDSA. Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nagmulang Kalinga ang bus at patungo na sanang Pasay City nang harangin ito ng mga pulis. Matapos itong madiskubre, iniimbestigahan na ng mga pulis kung sino ang nagmamay-ari ng kargamento. Nakikipagkoordinasyon na rin ang mga pulis sa kumpanya ng bus upang matunton kung sinong naglagay ng mga kahon sa bus at kung sino ang kukuha sa mga ito. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News