Kotse na may mga bomba, iniwan sa isang kalye sa Vigan City
Nagdulot ng takot sa publiko ang pagkakatuklas sa isang inabandonang kotse na may mga pampasabog sa Jose Singson Street sa Vigan, Ilocos Sur nitong Miyerkules ng umaga. Sa ulat ni Manny Morales ng GMA-Ilocos sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabi nito na nagsara ang mga establisimyento na malapit sa lugar sa pangambang madamay sila kapag sumabog ang kotse. Nagdulot din ng pagsisikip sa daloy ng trapiko ang ginawang pagsara sa nabanggit na kalye habang sinusuri ng mga tauhan ng Explosive Ordinance Division ng Philippine National Police (PNP) ang sasakyan. Napag-alaman na pitong araw nang nakahimpil ang kotse sa nabanggit na kalye. Natuklasan na kinarnap ang sasakyan, at batay sa impormasyon ng Highway Patrol Group at Land, Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB), taga-La Union ang may-ari ng nasabing sasakyan. Pinalibutan ng mga awtoridad ang kotse at isinara ang kalye matapos silang makatanggap ng impormasyon na may mga pampasabog na nasabing sasakyan. Matapos ang maingat na magsusuri sa kotse ng mga tauhan ng EOD, nakita sa loob ng sasakyan ang isang bag na mayroong isang granada at 13 pampasabog o improvised explosive device (IED). Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang nasa likod ng mga bomba at kung may kinalaman ito sa nalalapit na halalan. - FRJimenez, GMA News