Pangamba ng brownout sa araw ng halalan, pinawi ng Palasyo
Pinawi ng Malacañang ang mga pangamba na baka mawalan ng kuryente sa mismong araw ng halalan sa Lunes, Mayo 13, kasunod ng naganap na malawakang brownout sa Metro Manila nitong Miyerkules ng hapon. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, tiniyak ni Energy Sec. Jericho Petilla kay Pangulong Benigno Aquino III na mayroong sapat na suplay ng kuryente sa araw ng halalan. "The President asked for, and has been regularly updated, by Energy Secretary Petilla on the scope and duration of the power outage... Every step is being taken to ensure electricity supply nationwide on election day," nakasaad sa text message na ipinadala ni Valte sa media nitong Miyerkules. Dakong 2:00 p.m. nang maganap ang brownout sa malaking bahagi ng Metro Manila. Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, ang pagkawala ng kuryente ay bunga ng biglang paghina ng suplay ng enerhiya. Maging ang Palasyo ng Malacañan sa Maynila ay hindi nakaligtas sa brownout. Nagsagawa ng command conference ang pangulo sa Palasyo kasama mga ang opisyal ng pulisya at militar. Nanawagan naman si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, na paimbestigahan ng pangulo ang dahilan ng brownout at tiyakin na hindi ito mangyayari sa Lunes. "Nakakabahala ang malawakang blackout dahil walang contingency plan ang Commission on Elections. Dapat paimbestigahan agad ni Pres. Aquino ang dahilan ng blackout at i-ensure na hindi ito mangyayari sa araw ng eleksyon," anang kongresista. — Mandy Fernandez/FRJ, GMA News