Mga labi ng mga nasawi sa Mt. Mayon, dinala na sa funeral home
Dinala na sa punerarya nitong Huwebes ang mga labi ng mga mountaineer na nasawi sa biglang pagsabog ng bulkang Mayor noong Martes. Sa ulat ng dzBB radio, sinabing dalawa sa limang nasawi ay dinala sa Tactical Operations Group facility nitong Huwebes. Pero sa update ni GMA TV reporter Micaela Papa, sinabi nito na ang lahat ng nasawi -- isang Filipino tour guide, tatlong Germans at isang Germany-based Spanish national, ay pawang dinala na sa isang funeral home. Sinabi rin sa ulat ng dzBB na hiniling ng German Embassy na huwag isailalim sa awtopsiya ang mga labi ng kanilang nasawing mga kababayan. Nitong Huwebes ng umaga, naibaba na rin mula sa Mayon ang mga labi ng Pinoy tour guide. Nasagip naman ang isa pang Thai climber na naunang napaulat na nawawala. Kasabay nito, inirekomenda naman sa lokal na pamahalaan ng Legazpi City ng Department of Tourism (DOT-Bicol) na kanselahin ang lisensiya ng tour agency na nangasiwa sa pag-akyat ng mga dayuhan sa bunganga ng bulkan. Ayon sa ulat ng state-run Philippines News Agency nitong Huwebes, si DOT regional director Maria Ravanilla ang nagrekomenda kay Legazpi City Mayor Geraldine Rosal sa pagkansela ng lisensiya ng "Bicol Adventure" dahil sa ilang paglabag. Kabilang umano dito ang pagkuha ng mountain guide na hindi accredited ng DOT; hindi pagkuha ng permit to climb mula sa Department of Environment and Natural Resources; at pagdaan sa entry point na hindi nakalista sa DENR, Albay provincial government, at DOT. - FRJ, GMA News